Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

HOME

Return to Issue Listing

 

 

Issue No.2

January - March 2005

"Ang Hindi Nagbabagong Ebanghelyo"

 

Thank God, We're In, Not Out!

Allan A. Faurillo

‘God’s Only Gospel’

Salin ni Rey L. Alejo Jr.

Ang Hindi Nagbabagong Ebanghelyo ng Dios

Alex M. Aquino

"Gospel"

Romel V. Espera

Ang Ebanghelyong Tinutukoy sa 1 Corinto 15:1-4

Christian Joy B. Alayon

The False Gospel of 'Universalism'

Ronald R. Santos

'Particular Grace' A Book Review

Dario Luna

 

 

The Dwelling Word (Colossians 3:16)

 

Thank God! We’re In, Not Out!

Allan A. Faurillo

 

“Ang sumasampalataya sa Kanya ay hindi hinahatulan; ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na…” Juan 3:18 abab

 

Are you IN or OUT? Ito ang popular na mga katagang binabanggit sa oras na mahatulan ang isang contestant sa isang talent search sa telebisyon. Ang salitang ‘IN’ ang pinakamatamis na salitang matatanggap ng mga kalahok na mai-IN, ngunit ‘OUT’ naman ang pinakamapait at masaklap na salitang maririnig mula sa mga hurado ng mga maa-OUT sa talent search na ito.

 

Kung ating papansinin ang konteksto ng aklat ng Juan, malinaw na ang layunin ng aklat ay upang ipakita sa mga mambabasa na si Jesus ang Anak ng Diyos at walang maliligtas o magkakaroon ng buhay kung hindi sasampalataya sa Kanya (Juan 20:31). Paulit-ulit na binanggit ang mga salitang “believe” at “life” sa aklat na ito ng Juan, na nakatuon sa ating Panginoong Jesus bilang makapangyarihang Anak ng Diyos. Ano’ng ibig sabihin nito? Simple lang: WALANG BUHAY, KUNG WALANG JESUS NA ANAK NG DIYOS! — Walang buhay kung wala Ang Kanyang katuwiran at kamatayang pantubos!

 

Ano ba ang ibig sabihin ng sumasampalataya kay Jesus, at ano ang kahihinatnan ng mga hindi sumasampalataya? Oo, naniniwala ang BTRC na “absolute” ang Gospel ngunit huwag ihihiwalay ang aplikasyon nito na ang hindi maniwala sa Ebanghelyo ay wala ding kaligtasan. Sapat ba ang maniwala lamang na si Jesus ay Anak ng Diyos, upang maligtas ka? At sinu-sino ang “IN at OUT”?

 

Just Believe in the Son of God?

 

Sapat ba na kung paniwalaan lamang ng isang tao na si Jesus ay Anak ng Diyos ay maliligtas na siya? Tama ba ito? Ito ba ay ayon sa Biblia? Basta maniwala na si Jesus ay “Son of God” ay ligtas na ba? Siyempre naman! Sino ang tututol dito yamang ito ang sinabi ni apostol Juan. Ang sabi ni apostol Juan, “Ang sumampalataya sa Kaniya …” Ang tanong: sinong ‘sa Kanya’? Wala ng iba kundi si Jesu-Cristong Anak ng Diyos na kanyang ipinakilala sa buong aklat mula kapitulo 1 hanggang sa 21. Tiyak ang tinutukoy ni Juan kung sino ang dapat sampalatayanan. Subalit sa maraming kapanahunan lalo na sa kasalukuyan ay nagkalat ang mga bulaang ‘jesus’ na nagpapanggap na anak ng Diyos. Makikilala mo lang ang tunay na Anak ng Diyos kung kikilalanin mo Siya at pag-aaralan kung ‘sino’ Siya at ‘ano’ at ‘para kanino’ ang Kanyang ginawa ayon sa kapahayagan ng Diyos na sinulat ng mga apostol kasama na si apostol Juan. Sinong Jesus ang iyong pinaniniwalaan?

 

Pansinin mong maigi! Hindi binigyang diin ni apostol Juan ang mga ‘miracles’ sapagkat hindi ‘yon ang pinakamahalaga (Juan 20:30). Maraming nangyaring mga ‘tanda’ o ‘signs’, pwedeng-pwede Niyang gawin na lahat ng laman ng buong aklat ng Juan ay puro ‘miracles’ upang mamangha ang mga mambabasa kay Cristo bilang ‘healer’ o tagapagpalayas ng demonyo, ngunit hindi ganito ang kanyang ginawa. Para kay apostol Juan, sapat na ipahayag lamang si Jesus bilang Anak ng Diyos, na nabuhay nang matuwid upang ialay ang Kanyang buhay sa Kanyang mga tupa, kaya naparito Siya upang magbigay ng buhay sa Kanyang hinirang. (Juan 14:6).

 

Ang buhay na ito ay hindi ordinaryo kundi isang buhay na ‘eternal’ hindi pisikal. Ito’y hindi tumutukoy sa haba lamang ng buhay kundi sa uri ng buhay, ito ay buhay mismo ng Diyos. Diyos lamang ang eternal sa Banal na Kasulatan kaya Siya lamang ang makapagbabahagi nito. Ang buhay na ito’y ibinahagi ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Tipan sa mga hinirang na binigyang katuparan ng Panginoong Jesus. (Juan 17:3). Kaya mapalad ang mga hinirang – sila’y IN at hindi OUT. Na-IN sila, hindi dahil sila’y magagaling kundi dahil ginanap ni Cristo para sa kanila ang lahat ng kundisyon upang sila ay ma-IN.

 

Ano ang kahulugan na sapat nang ikaw ay maniwalang si Jesus ang “Son of God”? Ang sabi ni apostol Juan, kailangan mo Siyang ‘MAKILALA’ (Juan 14:7; 12:44, 45, 49). Ano ang bagay na dapat nating makilala o paniwalaan kay Cristo upang maligtas? Kung inyong papansinin ang pinaka-climax o sentro ng tema ni apostol Juan sa kanyang aklat ay ang KAMATAYANG PANTUBOS NI JESUS — “Natupad na” (Juan 19:30). Samakatuwid ang ginawa ni Jesus sa krus, at ang Kanyang pagka-Diyos. Ito ang ‘Tunay na Jesus!’ Paano malalaman na tunay ang Jesus o ang Ebanghelyo na iyong pinaniniwalaan? Ang sagot ay sinong Jesus at ano ang Kanyang ginawa at PARA KANINO Niya ito ginawa? O para kanino SIYA namatay? Sa lahat ba o sa mga hinirang o pinili lamang? Ayon kay Juan, ibinigay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa KANYANG MGA TUPA (Juan 10:15). Maaaring may magsabi sa inyo na naniniwala naman siya na si Jesus ay  ‘Anak ng Diyos’  at kung ano ang Kanyang ginawa ngunit hindi naman naniniwala na si Jesus ay namatay para lamang sa Kanyang hinirang o “tupa”, ang taong iyan ay OUT din, at hindi ang tunay na Diyos ang kanyang pinaniniwalaan (Juan 12:31; 8:44).

 

Kung gano’n pala, hindi talaga sapat maniwala sa Historical Jesus’ lamang o kaya naman ay ang maniwala lamang kay Jesus bilang ‘Son of God’ na hindi naipakilala nang tama ay ligtas na! Paano maliligtas? Sinong Jesus? Ano ang Kanyang ginawa at para kanino Niya ito ginawa? Ang hindi maniwala dito ay ebidensya na siya ay hindi ligtas. OUT siya. Sinong nagsabi?

 

Ako ba? Hindi, kundi ang Biblia. Hindi ko sinasabing wala ng pag-asa, ngunit ganito ang katayuan ng tao hangga’t hindi niya pinaniniwalaan ang Ebanghelyo ni Cristo (Marcos 16:15-16). Ang akusasyon ng iba ay ‘judgmental’ daw ang magsalita ng ganito ngunit ito’y tanda ng kanilang pagiging ignorante sa Salita ng Diyos.

 

Kailanman ang ganitong katuruan ay ‘OUT’ sa Diyos. Eh, paano ang mga nagtuturo nito? OUT din ba sila? Oo, ‘yun kasi ang sabi ng Biblia (Mateo 7:21-23). Tunay ngang, dapat tayong magpasalamat sapagkat ikaw at ako na iminulat (Mateo 13:11) at ngayo’y naninindigan sa nag-iisa at tunay na Ebanghelyo ay ‘IN’ sa kaharian ng Diyos. Thank God we’re ‘IN’ hindi dahil sa tayo’y magagaling tulad ng mga questors sa telebisyon, kundi dahil sa HABAG ng Diyos. “WE ARE IN” through the Gospel. (2 Tesalonica 2:13-14). Kaya nga kahit usigin, okey lamang, basta IN sa Diyos. Pagsabihan man ng kung anu-ano, okey lang. Ito’y dahil kay Cristo at sa walang hanggang biyaya ng Diyos. Oo Maaaring ‘OUT’ sa paningin ng tao, ‘IN’ naman sa paningin ng Diyos.

 

 

 

‘God’s Only Gospel’

Salin ni Rey L. Alejo Jr.

 

Translated Excerpts from a Web Publication of www.godsonlygospel.com

 

Mayroon lamang ISANG Ebanghelyong ipinagkatiwala kay Pablo na siya lamang kanyang ipinangaral at kung ang sinoman ay hindi sumampalataya sa ISANG Ebanghelyong ito ay nagpapahiwatig ng kanilang espiritwal na kalagayan tungo sa kapahamakan (Gal. 1:6-9). Idineklara ni Pablo na sa pamamagitan ng Ebanghelyong ito tayo ay naligtas: “…ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio…sa pamamagitan nito’y ligtas kayo…”  (1 Cor. 15:1, 2) at upang ikaw ay maligtas dapat mong marinig ang pangangaral ng Ebanghelyo. Dapat mong paniwalaan at sampalatayanan ang Ebanghelyong ito na nagbuhat sa Dios, at hindi ang bulaang ebanghelyo na hango sa imahinasyon ng tao na sa tingin natin ay mabuti at tama: May daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan” (Kaw. 14:12). Mapapansin natin na ang Ebanghelyo ay madalas mabanggit ng maraming mangangaral sa kanilang mga pangangaral at sa kanilang mga aklat ngunit bihira nilang maipaliwanag kung ano ba talaga ang Ebanghelyo. Ang sabi ng ilan hindi mo daw ito maipapaliwanag, ngunit kung ang Ebanghelyo ay hindi kayang ipaliwanag bakit kung gayon nagbabala si apostol Pablo laban sa mga bulaang ebanghelyo? Kung ang Ebanghelyo ay hindi kayang maipaliwanag, makilala, at malaman paano natin makikilala ang bulaang ebanghelyo? Maliwanag na nangaral si Apostol Pablo sa mga taong tiyak niya na nauunawaan kung ano ang Ebanghelyo sapagkat ito ay ipinangaral at itinuro niya sa kanila. Upang makilala natin ang huwad, dapat munang matutunan natin ang totoo o tunay. Ang Ebanghelyo naman sa ilan ay si Jesu-Cristo lamang, ngunit dapat nating malaman ang higit pa dito, at tanungin ang ating mga sarili: Oo nga, subalit sino si Jesu-Cristo? Ano ang Kanyang ginawa at para kanino Niya ginawa ito? Dapat nating maitangi ang totoong Cristo sa huwad na ‘cristo’. Ang Cristo na ipinapangaral ni Pablo ay hindi ang huwad na cristo na itinatanghal ng mga bulaang guro sa kasalukuyan, dahil kung hindi ay hindi magbibigay babala si Pablo tungkol sa ‘ibang jesus’. Ang Cristong ipinapangaral niya ay ISANG tiyak at natatanging persona na naiiba sa ibang indibidwal at may tiyak na ginawa. Hindi binigyan ng kasiguruhan ni Pablo ang mga taong tumatawag lamang sa personalidad ng kasaysayan na nagngangalang ‘Jesus’. Maraming naniniwala na si Jesus ay namatay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Maging mga demonyo ay naniniwala dito at mga nangangatal pa. Ngunit hindi ito ang kaalamang nakapagliligtas sapagkat kung magkagayon lahat ay maliligtas maging si Satanas at ang kanyang mga kampon. Ang makilala si Cristo na magdudulot ng kaligtasan ay ang makilala kung sino Siya, kung ano ang Kanyang ginawa at para kanino ito, at hindi lamang simpleng kung ano ang nangyari sa Kanya. Ang isang tao ay maaaring MAKAALAM TUNGKOL sa isa pang tao nang hindi niya tunay na nakikilala ang taong iyon. Itinuturo ng Biblia na “…si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan (1Cor. 15:3). Tinupad ng totoong Cristo ang mga eksaktong bagay na inihula ng mga Kasulatan na Kanyang gagawin.  Ito ang Cristo na dapat nating sampalatayanan: Siya na ipinapahayag ng mga Kasulatan. Namatay Siya ayon sa mga Kasulatan. Tinupad ni Cristo kung ano ang inihula tungkol sa Kanya: paano siya namatay, bakit siya kailangang mamatay, ano ang magaganap ng Kanyang kamatayan, at iba pa, sang-ayon sa mga Kasulatan. Samakatuwid, ang kabuoang buhay ni Cristo, kamatayan, at muling pagkabuhay na napakahalaga upang ating malaman at mapaniwalaan ang Tunay na Ebanghelyo, sapagkat dito nakasaad ang lahat ukol sa Kanya - sino Siya, ano ang Kanyang ginawa at para kanino Niya ito ginawa. Ipinapakilala ng Ebanghelyo ang totoong Cristo at itinatangi Siya sa mga huwad na cristo. Hindi maaaring paghiwalayin ang pagkakilala kay Cristo sa Kanyang ginawa. Hindi maaaring paniwalaan ninoman si Cristo nang hindi niya pinaniniwalan kung ano ang Kanyang ginawa.

 

…Ang kaligtasan ayon sa Banal na Kasulatan ay isang bagay na hindi maaaring makamtan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gawa o maging sa kanyang paniniwala (by one’s faith). Ang kaligtasan ay hindi gantimpala sa ating mga gawang pagsampalataya (Rom. 4:4, 5), kundi ito ay isang bagay na ibinigay sa tao sa pamamagitan lamang ng biyaya (unmerited favor) ng Dios. Ang pananampalataya ay hindi kundisyon sa kaligtasan – ito ay ebidensya ng kaligtasan. Ang kaunaunahang ebidensya at resulta ng kaligtasan ay pananampalataya para sa ikaliligtas na Kaloob (Gift) ng Dios at nagmula sa Kanya. Ito ang pananampalataya at tanging pananampalataya na maghahatid sa tao upang kanyang paniwalaan ang nag-iisa at natatanging Ebanghelyo ng Dios, at ito’y walang hanggan at ito ay nasa Kanyang sariling pasiya upang ipagkaloob kaninoman. Sinabi ng Panginoong Jesus, Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang...dahil dito’y sinasabi ko sa inyo na walang taong makakalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama (Juan 6:63, 65). Ang paglapit sa Dios sa paraang katanggaptanggap ay resulta lamang ng Kanyang biyaya sa mga makasalanan at hindi ito resulta ng pagsusumikap ng tao. Ang paglapit sa Dios sa pamamaraan at pag-iisip ng tao ay laging naghahatid sa kamatayan (Bilang. 3:4).

 

Ang pananampalataya na kaloob ng Dios ang siyang maghahatid sa Kanyang mga hinirang upang kanilang paniwalaan at manatili sila sa Dios magpakailanman – Ang doktrina ng Panginoong Jesu-Cristo – ang pinakamahalagang bagay na magbibigay ng karunungan ng kaligtasan patungkol sa Kanya: kung sino Siya, ano ang kanyang ginawa at para kanino ang mga ito.

 

 

 

Our Gospel Stand (Philippians 1:27)

 

Ang Hindi Nagbabagong Ebanghelyo ng Biyaya ng Dios

Alex M. Aquino

 

Sadyang mapanganib ang ating panahon at masasama ang mga araw. Naliligaw tayo sa ilang ng kawalang-katiyakan kung saan ang katotohanan ay alipin ng kanikanyang pananaw ng mga tao. Hindi nakatakas sa panganib na ito ang Ebanghelyo ng Dios. Sa mga nangingilag sa kumplikadong pag-iisip bukambibig nila na “Iisa lang naman ang Dios, kanikanya lang tayo ng paniniwala”. Para nilang sinabi tungkol sa isang kwadrado, “Kani-kanya tayo ng tingin dyan. Ikaw tingin mo bilog. Ako tingin ko triangle.” Ang lahat ay naging relative at inabanduna na ang absolute o ‘hindi nagbabagong’ katotohanan ng Ebanghelyo. Katwiran din ng mga taong ito, “No one has the monopoly of the truth.” Nakakalungkot na maging sa mga seminaryo na nag-aangking nakapagpapatapos sila ng mga pantas sa Biblia ay tumitiklop at nangapapahiya sa kahangalang ito ng relativism. Sa larangang ito marahil ay maitatangi ang mga Bastion of Truth Reformed Churches na naninindigan na ang Ebanghelyo ng biyaya ng Dios ay absolute o hindi kailan man nagbabago, ni hindi naihuhubog sa sariling pilosopiya o hakahaka ng mga tao.

 

Ano nga ba talaga ang Ebanghelyo? Diretsahang tanong na humihingi ng diretsahang sagot. Sa sampung kakapanayamin mo (karaniwang Kristiyano man o pastor pa man din) ay makakarinig ka rin ng sampung magkakaiba at malamang ay magkakasalungat na kasagutan. Ang ilan sa mga isasagot nila ay “Ang ebanghelyo ay Salita ng Dios” (ngunit gaano karami ng Salita ng Dios ang dapat mong malaman upang makapanalig ka ukol sa kaligtasan?), “Ang ebanghelyo ay ang mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas at Juan” (hindi makatarungan ito sa Dios at kay Pablo sapagka’t sinabi niya sa Roma 1:1 na ‘ebanghelyo’ rin ang kanyang isinulat), “Namatay si Cristo para sa mga makasalanan” (hindi ba’t ito rin ang paniniwala ng mga Katoliko, Iglesia ni Cristo, Saksi ni Jehova, Trinitarian o Oneness Pentecostal Churches, atbp?). Ang iba naman na waring hindi malayo sa kaharian ng Dios ay tutugong, “mensahe ito ng habag ng Dios sa mga makasalanan na tutubusin Niya sila Kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya lamang”. Ngunit kung gigipitin pa ang mga taong ito upang linawin ang kanilang pananaw ay malalantad na hindi talaga nila nauunawaan ang Ebanghelyo. Hindi nga sila malayo subalit hindi rin naman sila kabilang sa kaharian ng Dios.

 

Bakit napakahalaga na maunawaan nang malinaw ng tao ang Ebanghelyo? Bakit dapat nating maunawaan na ito ay absolute? Unang-una, iniutos ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad na “…ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumampalataya ay parurusahan” (Marcos 16:15, 16 ab). Ngayon, maaari bang ‘sampalatayanan’ ng isang tao para sa kanyang ikaliligtas ang Ebanghelyo na hindi niya alam at hindi niya natitiyak? Sinabi ni Pablo, “hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16). Maaari bang maging ‘kapangyarihan sa ikaliligtas’ ng bawat sumasampalataya ang mensaheng hindi nila tiyak at unawa? Mahigpit na babala din ng apostol na “Datapuwa’t kahima’t kami, o isang anghel mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo ay matakwil (anathema o ‘pakasumpain’)” (Galacia 1:8). Muli, matitiyak mo ba na hindi ka ngayon itinatakwil o sinusumpa ng Dios dahil sa kasalukuyang ‘ebanghelyong’ pinaniniwalaan mo? Tiniyak din ni Pablo na ang Panginoon ay “…maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesucristo” (2 Tesalonica 1:8). Maaari bang tumalima o sumunod ang isang tao sa ebanghelyong hindi niya tiyak kung tama? Walang puwang dito ang pagsasawalang bahala at mapangahas na pag-aakala (presumption). Hindi tayo dapat magkamali kung buhay at kamatayan; langit at impiyerno ang dito’y nakataya!

 

Subalit ang Kristiyanismo ng kasalukuyang panahon ay naanod na ng dilubyong masahol pa sa kahindikhindik na sinapit ng Timog Asia nitong kalilipas na taon lamang. Ang lahat ng ito ay dapat isumbat sa mga bulaang tagapangaral ng Biblia na nagpapahayag ng kanikanilang ‘bersyon’ ng Ebanghelyo. Ang ebanghelyo nila ay ipinanday sa kanilang mga karnal na pilosopiya at pagnanasa ng laman (tulad halimbawa ng ‘poligamia’ ng ebanghelyo ng Mormonism, ang Health, Wealth at Success Gospel nina Copeland, Hagin at Benny Hinn, at ang Social Gospel ng isang liberation theologian tulad ni Eddie Villanueva). Ang Pentecostal/Charismatic Movement naman ay binibigyan ng maling pakahulugan ang inaangkin nilang Full Gospel umano. Sapagkat Full o kumpleto lamang ang ebanghelyo kung mayroon umanong mga himala at pagpapagaling. Ang iba naman ay kumatha ng ebanghelyo na maiuugnay nila sa kanilang religious heritage at denominational pride kaya gumagamit sila ng pangalan sa kanilang simbahan tulad ng International Church of the ‘So and So’ Gospel na para bagang may sarili silang ‘brand’ ng gospel. Ngunit ang isa sa pinakatuso at mapanganib na pagbabaluktot ng hindi nagbabagong katotohanan ng Ebanghelyo ay yaong mga nasa kampo ng mga nag-aangking Reformed o Calvinist na nagsasabing ang Reformed Faith ay ang pinakamahusay at pinakamagaling na sistema ng ‘totoong’ relihiyong Kristiyano. Samantalang ang ibang teyolohiya umano tulad ng Arminianism ay ‘totoong’ Kristiyano din na mga mababa lamang ang kaalaman sa teyolohiya, nagkakamali at nalilito daw lamang.  Obviously, ito ay kahambugan. Ayon din sa kanila mayroon ding kaunting mga ‘piraso’ ng katotohanan sa mga maling paniniwala ng mga taong ito na sapat upang maligtas sila. Katuwiran nila, “They are saved not ‘because’ of error but ‘inspite’ of error”. Ang ebanghelyo ay pinagkasya sa pinakakaunting mensahe tungkol sa habag at biyaya ng Dios sa kaligtasan (preferably and ‘arbitrarily,’ justification by faith alone’) at magagawang maihalo sa mga mapamusong na kaisipan ng tao na ang kaligtasan niya ay nakasalalay sa kanyang sariling desisyon at gawa. Lumalabas na habang naniniwala ang isang tao na habag lamang ng Dios kaya siya naligtas, posible din niyang panghawakan ang salungat na kaisipang nasasakanya pa rin ang desisyon kung tatanggapin niya ang alok ng Dios o hindi! Hindi ito ang Ebanghelyo!

 

Ang Ebanghelyo sa Biblia ay tinatawag sa iba’t ibang pagkakakilanlan nito* tulad ng “ebanghelyo ng kaharian”, “ebanghelyo ni Jesucristo”, “ebanghelyo ng Dios”, “ebanghelyo ng kapayapaan”, “salita ng katotohanan ng ebanghelyo”, “mabuting balita na walang hanggan” at ang pinakamayaman ay ang katagang “ebanghelyo ng biyaya ng Dios” (Gawa 20:24). Ang hindi nagbabagong (absolute) Ebanghelyo ng Dios ay ang hindi nagbabagong mensahe ng Kanyang “biyaya”. Kapag winika ng Biblia na “biyaya” hinding-hindi ito maaaring hilutin upang mahaluan ng gawa. Ipinaliwanag ito ni Pablo sa paraang antithetical o ‘ganap na pagsasalungatan’ sa Roma 11:6: “Ngunit kung ito’y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan (kung hindi ganito) ang biyaya ay hindi biyaya.” Kung paanong hindi maaaring maghalo ang langis at tubig ay hindi maaaring maghalo sa isip ng isang tao na siya ay naligtas dahil sa biyaya at dahil din sa kanyang gawa. Hindi maaaring umiral sa kamalayan ng isang tao na niligtas siya ng Dios dahil sa biyaya lamang samantalang naniniwala siyang nakamit niya ito dahil sa kanyang free will. Hindi niya maaaring paniwalaan ang biyaya ng Dios samantalang tinututulan niya ang doktrina ng unconditional election (na mensahe din ng Ebanghelyo ng ‘biyaya’ ng Dios) noong ito’y maipaliwanag sa kanya. Ito ang tinutukoy nating pagiging absolute na prinsipyo ng Ebanghelyo. Ang Ebanghelyo ay mensahe ng ‘puro’ at ‘dalisay’ na biyaya ng Dios. Ang pagiging absolute nito ay hindi tumutukoy sa dami o kaganapan (perfection) ng kaalaman tungkol dito. Sapagka’t ang isa sa dalawang kriminal na nabayubay sa krus kasama ng Panginoong Jesus ay maaaring walang alam tungkol sa unconditional election, limited atonement o irresistible grace subalit naroon siyang tanggap ang nararapat na parusa sa kanyang kasalanan. Batid niyang wala siyang maihaharap na kahit gatuldok na kabutihan at kakayanan sa harap ng Dios upang siya’y patawarin. Kanya nang iniwan ang sarili at itinagubilin ang kaluluwa sa lalaking walang sala at puspos ng biyaya na nasa kanyang tabi. Limitado lamang ang alam ng abang lalaking ito tungkol sa biyaya ng Dios at sandali lamang niyang narinig ang mga salita ng kanyang Manunubos [1] sapagkat malapit na ang kanyang tiyak na kamatayan. Subalit ang kaunting kaalaman niyang iyon ay ‘purong’ biyaya at nilusaw nito ang lahat ng kaisipang bumabatay sa gawa at karapatan niya bilang tao. Wala itong halong pagtitiwala sa sarili o sa sarili niyang pagsampalataya. Kung bibigyan siya ng pagkakataong mabuhay pa ng matagal paniniwalaan niya gaano man karaming aral tungkol sa biyaya ng Dios ang ihaharap sa kanya. Ito ay dahil hindi niya tinatanggap ang mga ito dahil sa kanyang ‘intelektwal na kapasidad’ kundi sa pamamagitan ng mahimala at espiritwal na pananampalatayang kaloob lamang sa kanya ng Dios. Ang Ebanghelyo niya ay absolute grace. Dumating man ang mga sandali na dahil sa kahinaang dulot ng pananatili pa ng kanyang pagkamakasalanan ay matukso siyang manangan sa kanyang mga gawa at hindi na sa biyaya (fallen from grace ika nga), sasawayin siya at itutuwid ng ministerio ng Salita ng Dios upang manatiling kumakapit sa habag lamang Niya. Ganito ang ginawa ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng panulat ni Pablo sa mga taga Galacia.

 

Ito ang mahigpit na pinanghahawakan ng mga Bastion of Truth Reformed Churches dito sa Pilipinas. Kung paanong maingat na ipinakilala ng buhay na Dios ang Kanyang sarili sa Biblia sa pagbabawal sa tao na lumikha at mag-anyo  ng anomang wangis para sa Kanya; kung paanong detalyadong ibinigay ng Dios ang sukat ng daong para kay Noe at ng tabernakulo para sa bayang Israel (at hindi ipinaubaya sa kanilang pagkukusa at husay); kung paanong maliwanag na pinropesiya ng mga propeta ang pagdating ng Mesias; gayon ang pag-iingat ng Dios sa paghahayag ng mensahe ng Kanyang Ebanghelyo. Dahil dito, labis naming ikinababahala at mariing tinututulan ang paglaganap ng ‘relatibismong’ ito sa larangan ng pagpapahayag ng Ebanghelyo. Positibo naming pinangangatawanan ang kawalang pagbabago ng Ebanghelyo ng Biyaya ng Dios kahit na ang kalalabasan nito ay ang ibayo pang pagkitid ng tunay na Iglesia ng Panginoong Jesus kahit na sa loob pa ng pananampalatayang Reformed. “No one has the monopoly of the truth,” ang sabi nila. Ang tugon namin, “Neither has anyone the right of preference to believe only a fraction of it.” Ang katotohanan ay katotohanan –   isang organisado, sistematiko at magkakaugnay na kabuoan.

 

______________

 

1 Ngunit malaki rin ang posibilidad na ang kriminal na nagsisi ay nakarinig ng kabuoan ng Ebanghelyo ng biyaya ng Dios yamang siya ay kasama ng Panginoon sa loob ng mahabang oras. Mahirap paniwalaan na ang Panginoon na nangaral sa loob ng higit-kumulang tatlong taon ng Ebanghelyo ay tatahimik na lamang sa sandaling ito na katabi na niya ang isa sa dahilan kung bakit Siya nagpapakasakit. Kaya mas madaling tanggapin na nang ibahagi ng Panginoon ang Ebanghelyo sa kanila habang nakabayubay sa krus, ang bunga sa isa ay kaligtasan, habang ang dulot naman sa isa ay kapahamakan. Isa pang posibilidad ay dahil sa ang Panginoon naman ay hayagang nangangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng dako, posibleng ang kriminal na ito ay nakarinig na ng kabuoan ng Ebanghelyo at nang sandaling nakabayubay siya sa krus katabi ang Panginoon ay tinawag na Niya ang kriminal na ito ng Kanyang tinig sa pamamagitan ng Ebanghelyong kanya nang narinig noon pa mang una.

 

 

 

Retaining the Standard of Sound Words (2 Timothy 1:13)

 

“Gospel”

Romel V. Espera

 

Ang salitang Ingles na Gospel ay galing sa dalawang salitang Griego: Eu – “good”; mabuti, at Aggelion – “message”; mensahe o balita. Sa Latin ito’y evangelium na ang kahulugan ay “good news” o mabuting balita. Ang Gospel ay maaring isalin sa wikang Tagalog sa iba’t ibang paraan tulad ng Mabuting Balita (TPV), Magandang Balita (SD), Evangelio (AB) o Ebanghelyo (ABAB).

 

Ang Gamit ng Ebanghelyo sa Matandang Tipan:

 

A. Ito’y ginamit muna sa sekular na pagbabalita na walang kaugnayan sa aspetong espirituwal. Halimbawa nito ay sa 2 Samuel 18:19 na noong si Joab na isang heneral ng mga kawal ni David ay nagnais na magpahatid ng pabalita ng katagumpayan kay David, sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “patakbuhin mo ako ngayon upang magdala ng magandang balita sa hari na iniligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway.”

 

B. Ngunit ang salitang Ebanghelyo ay lalong naging mas makahulugan nang simulang gamitin ito ng mga propeta upang tukuyin ang darating na Tagapagligtas (Mesias) ng bayang Israel. Tulad ng nasaad sa Isaias 40:9 “Umakyat ka sa mataas na bundok, O Zion, tagapagdala ng MABUTING BALITA; itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan, O Jerusalem, tagapagdala ng MABUTING BALITA, itaas mo huwag kang matakot; sabihin mo sa mga lunsod ng Juda, ‘Tignan ang iyong Diyos. Narito ang Panginoong DIYOS ay darating na may kapangyarihan…’” Na ang Mesias na tinukoy dito ay pagdating mismo ng Diyos.

 

Ang Gamit ng Ebanghelyo sa Bagong Tipan:

 

A. Ang mga Judio ay matiyagang naghintay sa katuparan ng Ebanghelyong ipinahayag ng mga propeta – ang pagdating ng Mesias. Kaya noong magsimula ang Panginoong Jesu-Cristo ng Kanyang pangangaral ay Kanyang ipinahayag ang katuparan ng mga ipinangaral ng mga propeta nang Kanyang sabihin na “Naganap na ang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos; kayo’y magsisi at manampalataya sa Ebanghelyo.” (Marcos 1:14-15). Ang kahulugan ng Ebanghelyo sa gamit ng Panginoong Jesus ay pareho lamang sa gamit ng mga propeta. Ang sa mga propeta ay pangakong pagdating ng Mesias, ang sa Panginoong Jesus naman ay katuparan sa Kanyang sarili ng pangakong iyon.

 

B. Gayun din naman noong umakyat na sa kalangitan ang Panginoong Jesus ay Kanyang itinagubilin sa iglesya sa pamumuno ng mga apostol na ipangaral ang nasabing Ebanghelyo (Marcos 16:15, 16, Mateo 28:18-20). At ang naging diin ng mga apostol sa kanilang mensahe ng Ebanghelyo ay ang ginawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na isinugo na nag-alay ng Kanyang buhay sa krus ngunit nabuhay muli, na ang Kanyang buhay na inihandog ay naging katanggaptanggap sa Diyos at nagdulot ng kapatawaran sa kasalanan ng Kanyang mga hinirang (elect) at nagbunga ng pagkupkop sa kanila ng Diyos.

 

Kaya kung susuriing maiigi ang Biblia hinggil sa gamit ng salitang Ebanghelyo, isang mabigat na konklusyon ang hindi maiiwasan: itong Ebanghelyo ng Diyos ay iisa at hindi nagbago at ni hindi nagbabago. Pinatunayan ito ni apostol Pablo nang kanyang sabihin na “…kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na IBA kaysa sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain! Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na IBA kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain!” (Galacia 1:8-9). Maraming taguri ang Biblia sa Ebanghelyo tulad ng: “Ebanghelyo ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos” (Marcos 1:1),  “Ebanghelyo ng Kanyang Anak” (Roma 1:9),  “Ebanghelyo ni Cristo” (Roma 15:19, 2 Corinto 2:12), “Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus” (2 Tesalonica 1:8), “Ebanghelyo ng Kaharian” (Mateo 4:23, 9:35), “Ebanghelyo ng Diyos” (Marcos 1:14, Roma 1:1; 15:16), “Ebanghelyo ng kapayapaan” (Efeso 6:15), “Ebanghelyo para sa mga hindi tuli” (Galacia 2:7), “Ebanghelyo ng inyong kaligtasan” (Efeso 1:13), “Maluwalhating Ebanghelyo ng mapagpalang Diyos” (1 Timoteo 1:11), “Ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo” (2 Corinto 4:4), “Walang hanggang Ebanghelyo” (Apocalipsis 14:6) at ang lahat ng mga taguring ito sa Ebanghelyo ay isinuma ni Apostol Pablo sa isang pangalan— “Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos”! (Gawa 20:24). Sapagkat ang mga pangalang ito ay tumutukoy lamang sa Nag-iisa at Tunay na Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

 

 

 

Demolishing Arguments (2 Corinthians 10:5, 6)

 

Ang Ebanghelyong Tinutukoy sa

1 Corinto 15:1-4

Christian Joy B. Alayon

 

Ang turo ng mga kulto ay napakadaling mahalata. Mga turong ‘wirdo’ ika nga; gaya ng pagtanggi sa pagka-Diyos ni Cristo (hal. INC), hindi naniniwala sa ‘Trinidad’ (hal. Oneness), si Cristo daw ay kapatid ni Lucifer (Mormons), o kaya naman ay naniniwalang hindi lang isa ang Diyos, at ang mas masahol, ay mga Satanista. Pero ang mas makamandag na lason ay ang mga nagtatago sa Pangalan ng Panginoong Jesus, naniniwala sa Kanyang pagka-Diyos, nangangaral ng Trinidad, gumagamit ng salitang “Ebanghelyo” at iba pang mga salitang makikita sa Biblia, subalit pinipilipit ito at nagtuturo ng ibang ‘jesus’ na hindi kilala ng Biblia. Ang talatang ito (1 Cor. 15:1-4) ay isa sa maraming talatang ginagamit nila upang patunayang sila ay tama at kinikilala din nila ang iba pang bulaang relihiyon na kapatid sa pananampalataya kahit na napakalayo ng katuruan ng mga ito sa aral ng Biblia.

 

Minimum or Absolute?

 

May mga nadadaya sa paniniwalang ang mga talatang ito daw ang minimum ng Ebanghelyo. “Ano man ang paniniwala mo”, ika nila, “basta’t tapat kang naniniwala na namatay si Jesus sa krus para sa mga kasalanan, at muli siyang nabuhay, at maniwala ka na iyon ay para sa iyo, ay tiyak na ligtas ka na.” Ginagamit nila ang talatang ito na parang hiwalay sa ibang katuruan tungkol sa kaligtasan. Dapat nating suriin ang paniniwalang ito, sapagkat napakalinaw ng babala sa Biblia na sinuman ang mangaral ng ibang ebanghelyo ay susumpain, at sino man ang maniwala sa kabulaanan ay parurusahan (2 Tes. 2:9-12).

 

Nagliligtas ang Diyos sa pamamagitan ng Ebanghelyong ipinahayag Niya. Walang sinuman ang may karapatan at kakayahang maka-imbento ng ebanghelyong makakapagligtas kundi ang naipahayag lang sa Biblia. Perpekto na ito at hindi nangangailangan pa ng improvement, at lalong hindi ito ipinahayag sa Biblia para piliin mo kung papaano ito imi-minimize, dahil kung hindi, magtataglay ka ng ebanghelyong walang kahulugan o iba ang kahulugan at kasumpasumpang ebanghelyo. Ang mga gumagawa nito ay hindi napapabuti kundi lalong nadudulas tungong impiyerno. Kung ano ang eksaktong ipinahayag na katotohanan, iyon lang ang dapat na paniwalaan, dahil kung hindi, ikaw ay “sumampalataya ng walang kabulhan”. Kapag dinagdagan mo o binawasan ang kapahayagang ito, hindi na ito ang Salita ng Diyos, at hindi na maituturing na “kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas” (Rom. 1:16)! Sinabi ni Pablo na tinanggap niya ito at ito ay “ayon sa Banal na Kasulatan”, nangangahulugang hindi ayon sa kanyang kuwento at sariling interpretasyon. Galing ito sa Diyos at hindi dapat ituro ayon sa ating palapalagay at karnal na interpretasyon. Ang Ebanghelyo ay mayroon lamang isang kahulugan: ang pakahulugan ng Diyos. Ipinangaral ni Pablo kung ano lamang ang kanyang tinanggap, hindi niya dinagdagan para lalong mapaghusay, at lalong hindi rin niya binawasan. Hindi niya inisip na baka hindi maging komportable sa ibang katuruan ang mga tagapakinig at hindi ito matanggap. Kung maliligtas ang isang tao, ang dapat niyang paniwalaan ay ang eksaktong kapahayagan!

 

What You Think or What Is Written?

 

Paano ba mauunawaan ang pakahulugan ng Diyos sa Ebanghelyo? Lahat ba ng ating palagay at pagkaunawa ay masasabing iyon na nga? Ayon sa talata, ang mensahe ng Ebanghelyo na patungkol sa gawang pagliligtas ni Cristo ay “ayon sa Banal na Kasulatan”. Ito ay malinaw na ipinahayag, malinaw na itinuturo, ipinaliwanag, at pinakahulugan ng Kasulatan, kung kaya dapat mong malaman ang eksaktong sinasabi nito para maging tiyak na ligtas ka. Napaka-partikular ng Ebanghelyong tinutukoy ni Pablo at kailangan mong manahan dito gaano man karami ang mga sumasalungat.

 

Nang ipahayag ng Diyos ang Ebanghelyo, hindi Siya nagbigay ng maraming pagpipilian kung alin ang tingin mo’y komportable sa iyo, at hindi niya ipinaubaya sa sarili mong pang-unawa kung ano ang tingin mong mas magandang kahulugan nito! Ang Ebanghelyo ay kapahayagan ng walang hanggang kalooban ng Diyos. Kung mali ang pang-unawa ng isang tao sa Ebanghelyo, paano sasabihing kapahayagan pa iyon ng kalooban ng Diyos? Hindi maaaring baliin ng Diyos ang Kanyang kalooban para lamang maipareho sa bulaang paniniwala ng isang tao. Hindi rin maaaring sabihing tama lahat ng paliwanag ng iba’t ibang katuruan. Papaano magiging tama lahat kung iba’t iba ang kahulugang binibigay ng tao, at madalas ay magkakasalungat pa! Higit sa lahat, papaano sasabihing tama kung ang sinasalungat ay ang Kasulatan mismo!

 

Maliwanag na ang mga taga-Corinto ay mayroong pinaniniwalaan, at iyon ay nanganganib dahil sa impluwensya ng mga bulaang tagapangaral, na mayroon din namang pinaniniwalaang iba. Kung kaya ang tanong ay hindi kung ‘ikaw ba ay mayroong pananampalataya?’ Walang taong itatanggi ito. Sinulat ni Pablo ang kapitulo 15, sa kadahilanang ang pinananampalatayanan ng mga taga-Corinto (resurrection in relation to the whole of the Gospel) ay nanganganib sa impluwensya ng mga bulaan. Ang pinakamahalaga ay hindi lamang kung ikaw ba ay naniniwala, kundi kung ano ang pinaniniwalaan mo! Ang tanong ay hindi kung gaano ka katapat sa Ebanghelyo, kundi ANO ang Ebanghelyong ito na dapat paglaanan ng katapatan mo. Kung itatanong mo ang sinabi sa verse 2 papaano ako sasampalataya “ng walang kabuluhan?” ang sagot ay hindi dahil sa ang pananampalataya ay hindi tapat o peke (although that may also be the case), ang tamang sagot ay kung ang pinananampalatayanan ay mali. Ayon sa 2 Cor. 13:5, ‘siyasatin niyo ang inyong sarili kung kayo ay nasa pananampalataya” at hindi kung kayo ay may pananampalataya.

 

“The Truth of the Facts”

 

Alam kong maraming sasang-ayon sa akin sa una kong mga sinabi, kaya dapat itanong ngayon kung ano ba talaga ang Ebanghelyong ipinahayag kay Pablo, at bakit ang paniniwalang si Jesus ay namatay at muling nabuhay nang walang paliwanag mula sa kabuoang aral ng Kasulatan ay hindi pa rin garantiya na ang isang tao ay ligtas!

 

Ang ipinapaliwanag ni Pablo sa verses 3 at 4 ay pawang ‘historical facts’ lamang. Ito’y historical facts na ‘kabilang’ sa pakahulugan ng Ebanghelyo, pero kung ito lang, hindi nito tinuturo kung PAPAANO nagliligtas ang Diyos sa PAMAMAGITAN ng mga pangyayaring ito. Walang paliwanag na ibinigay si Pablo sa mga talatang ito, subalit dapat tandaan na ang Ebanghelyong tinutukoy ni Pablo dito ay walang pinagkaiba sa Ebanghelyong kanyang ipinaglalaban, at ipinaliwanag sa ibang bahagi ng Kasulatan.

 

Marami ang nagtuturong ang historical facts na ito ay sapat na sa kaligtasan; hindi alintana na ang napakaraming naniniwala dito ay may iba’t ibang pagkaunawa na salungat sa Biblia. Para sa kanila, ligtas ang isang taong taos pusong naniniwala dito kahit na nilalapastangan niya ang Panginoong Jesus. Sina Hymenaeus at Philetus ay halimbawa ng mga taong naniniwala sa historical facts. Naniniwala sila sa historical fact ng muling pagkabuhay, subalit, iyon daw ay lumipas na (2 Tim. 2:17, 18). Ligtas ba sila? Dapat malaman kung ano ang pakahulugan ng Kasulatan sa mga facts na ito at iyon ang dapat na paniwalaan. Dapat malaman ng isang tao ang katotohanan upang siya ay maligtas, at kung mali siya dito, mali na ang lahat sa kanya.

 

Ang paniniwala sa historical facts lamang ay hindi tanda ng kaligtasan. Alam din ito ng diyablo at aktibo siya sa pagbabaluktot ng tunay na kahulugan nito. Wala pang tao ang naligtas sa paniniwala lamang sa historical facts na hindi alam ang kahulugan nito. Ang kaalaman ng katotohanan, na tanging nagliligtas ay ipinahayag sa Ebanghelyo (interpreted facts). Sinumang sumalungat sa katotohanan ay itinuturing na sa diyablo at sinumpa (2 Cor. 10:5). Ang Ebanghelyo ay ‘ayon sa Kasulatan’ (interpreted) at hindi natatapos sa kasaysayan!

 

Who He Is …What He Came to Do…

 

Ang banal na Kasulatan ang nagbigay ng pakahulugan sa Ebanghelyo ng Diyos. Ayon sa Roma 1:16, 17 ang Ebanghelyong kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas ay nagpapahayag ng katuwiran ng Diyos at hindi ng sa tao. Ipinahayag Niya iyon sa pamamagitan ni Cristo na nagtatag ng perpektong kabanalan para sa mga tinubos niya. Ipinapakita nito kung sino si Cristo at ano ang Kanyang tinupad nang mamatay Siya sa Krus. Malibang malaman mo kung sino Siya at ano ang Kanyang eksaktong tinupad, hindi mo pa rin Siya kilala. Ang tunay na Jesus na ito ay hindi maihihiwalay sa Kanyang ginawa. Imposibleng ipangaral ang Ebanghelyo at imposibleng makilala ang tunay na Jesus kung hindi alam ang Kanyang ginawa. Ang langit ay walang puwang sa isang taong ignorante sa ginawa ni Jesus.

 

Maliwanag na ang tunay na Jesus ay namatay para lamang sa mga ‘pinili’. Ayon sa verses 3 at 4 (1 Cor. 15) si Jesus ay namatay at muling nabuhay “para sa ating mga kasalanan.” Dapat nating malaman kung sino ang tinutukoy na “ATIN” ni Pablo sa mga talata dahil sila lamang ang Kanyang tinubos. Sila ang limitadong bilang na pinatutukuyan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Sa mga susunod na talata ay ipinakita ni Pablo ang epekto ng Kanyang muling pagkabuhay sa LAHAT ng nasa Kanya, silang mga tinubos lamang. Kung hindi Siya muling nabuhay, hindi rin muling mabubuhay ang mga tinubos Niya. At kung ang mga tinubos ay walang pagkabuhay na muli, hindi rin totoong si Cristo ay muling nabuhay (vs. 12-23). Ngayon, nalalaman natin na hindi lahat ay muling mabubuhay tungo sa buhay na walang hanggan. Nangangahulugan ba na ang muling pagkabuhay ni Cristo ay hindi rin kumpleto! Nang magkasala si Adan, lahat ng nirerepresenta niya ay tumanggap sa kanilang sarili ng lahat ng bunga at konsekwensya ng kasalanan. Ang kawalan ng pananampalataya lamang ang tatanggi na ang tao ay nakisálo sa pagkakasala ni Adan. Si Cristo, ang ikalawa at huling Adan, ay mayroon ding nirerepresenta sa Kanyang kamatayan, at lahat sila ay tumanggap ng LAHAT ng benepisyo ng Kanyang gawa (vs. 21f). Ang mga mabubuhay na mag-uli tungo sa buhay na walang hanggan, ay iyon lamang mga tinubos (those He represented) (v. 23), at lahat ng nasa Kanya. Sila ang tinutukoy ni Pablo na “our” sa verse 3 (see also Jn. 17:2, 6, 9, 12, 24).

 

Ang bulaang ‘jesus’ na ipinapangaral ng mga kaaway ni Pablo ay mayroon ding ginawa, subalit iba sa ginawa ng tunay na Jesus. Ang tunay na Jesus ay tumupad sa lahat ng eksaktong sinasabi ng Kasulatan. Ang bulaang relihiyon na nagtatago lamang sa pangalang ‘Jesus’ ay nagtuturo ng jesus na walang natupad. Naniniwala silang ang jesus na ito ay namatay, inilibing, at muling nabuhay ayon sa kasulatan, subalit ang totoo, ang kinikilalang jesus na ito ay kasumpasumpa sa Kasulatan (2 Cor. 11:1-4). Namatay siya para sa kasalanan ng lahat ng tao para gawing ‘posible’ lamang ang kanilang kaligtasan pero wala talagang natupad ito dahil marami sa kanyang tinubos ang napapahamak. Ang jesus na ito ay mahina at nangangailangan ng tulong. Sa totoo niyan, hindi kaligtasan ang inaalok niya! Humihingi lang naman siya ng tulong sa iyo; tulungan mo siya na iligtas ka! At para tulungan mo siya, yuyuko siya at magpapasakop sa makasalanan at napakasama mong “free will”!

 

Hindi iyan ang Ebanghelyo ng Panginoon, mapapahamak ka kung ito ang iyong pinaniniwalaan. Paniwalaan mo lamang ang Ebanghelyong ipinangaral ni Jesus at ng mga apostol. Huwag dapat lagyan ng tuldok ang hindi nilagyan ng tuldok ni apostol Pablo, “na si Cristo ay namatay para sa ating kasalanan (huwag tapusin dito), -- AYON SA MGA KASULATAN, at siya’y inilibing; at muling nabuhay nang ikatlong araw (huwag putulin dito), -- AYON SA MGA KASULATAN.” Sumampalataya ka sa Ebanghelyo na ayon sa katuruan ng MGA KASULATAN -- ikaw ay maliligtas.”

 

 

 

Beware: False Gospels (Galatians 1:6-9)

 

The False Gospel of ‘Universalism’

Ronald R. Santos

 

Maraming mukha ang bulaang ebanghelyo na nagtataglay ng bulaang ‘cristo’. Karamihan sa biktima nito ay walang kamalaymalay na ang kanilang taos-pusong sinasampalatayanan ay doktrina ni Satanas. Kaya ang layunin ng paghahantad ng mga hidwang katuruan ay upang “turuan ng may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila’y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.” 2 Timoteo 2:25

 

Huwag kalilimutan na ang Ebanghelyong ibinigay ng Diyos ay iisa lamang hindi dalawa o marami. At ito’y hindi nagbabago, ni hindi naluluma. Kapag isasaisip lamang ng mambabasa ang katotohanang iisa lamang ang Ebanghelyo ay magbubunsod ito sa kanya na suriin ang ebanghelyong kanyang pinaniniwalaan kung ito ay ‘yung iisang Ebanghelyo o baka naman bulaang ebanghelyo.

 

Isang anyo ng bulaang ebanghelyo ay nagtuturo na tinubos ni ‘cristo’ ang lahat ng mga kasalanan ng lahat ng mga tao, kaya ang lahat ng mga tao ay maliligtas kahit na ano ang kanilang pinaniniwalaan; basta ang tao ay magsisi ng kanilang kasalanan. Karaniwan na sa mga Romano Katoliko ang ganito ang paniniwala, kilala rin ito sa tawag na ‘universalism’. Ngunit mayroon pang mas makamandag kaysa dito. Makamandag sapagkat marami na ang nabibiktima nito ng walang kamalay-malay. Ito’y ang ebanghelyong ikinakalat ngayon ng mga nag-aangking sila raw ang ‘Evangelical’ o ‘Born Again’ (?). Ang kanilang ebanghelyo ay nagpapahayag na ang kamatayan ni ‘cristo’ sa krus ay nagbigay daan sa kaligtasan ng lahat ng tao kung sila lamang ay mananampalataya. Sa kanilang katuruan bagama’t si ‘cristo’ ay namatay para sa lahat ng tao, nagkakabisa lamang ang kanyang kamatayan doon sa mga ‘tumanggap’ sa kanya. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ito ay ‘ibang’ ebanghelyo kaysa sa Ebanghelyong itinuro ni Cristo at ng mga apostol.

 

 

 

Book Review

 

Particular Grace

 Book Review ni Dario Luna

 

A Defense of God’s Sovereignty in Salvation, By Abraham Kuyper

Reformed Free Publishing Association, © 2001 Grandville, Michigan

Isinalin mula sa wikang Dutch ni Marvin Kamps

 

Buod ng Aklat

 

Ito ay aklat tungkol sa pagtatanggol sa limitadong pagtutubos ni Cristo at ng sovereignty ng Dios. Ang aklat na ito na pinamagatang “Particular Grace” ni Abraham Kuyper ay  tungkol sa pagtatanggol sa Particular Grace o ang biyaya ng Dios na hindi para sa lahat ng tao kundi nakalaan lamang para sa Kanyang mga hinirang. Sa buong aklat ay ipinakita niya na ang “general grace” o ang biyaya ng Diyos na para sa lahat ay hindi itinuturo ng Biblia kundi katha lamang ng malikot na kaisipan ng tao. Ang aklat ay may apat na bahagi na may tig-sasampung kabanata. Sa unang bahagi ay ipinakita ng awtor na walang Cristo para sa lahat kundi Cristo para sa hinirang lamang. Sa ikalawang bahagi naman ay pinatunayan niya na ang doktrinang ito ay mapapatunayan sa Kasulatan, maging sa ating karansan at pati sa kasaysayan. Sa ikatlong bahagi naman ay ipinakita ni Kuyper na ang kaligtasan ay mula sa Dios at para sa Kanyang kaluwalhatian lamang. Ang tao nama’y sa halip na tanggapin ang biyaya ng Dios ay mariing tatanggihan ito kaya dahil sa ‘partikular’ na pagkilos ng Dios ay saka lamang maliligtas ang tao. Sa ika-apat na bahagi ay maingat na pag-aaral ng mga talata sa Biblia na wari’y may contradiction o conflict. Ginamit niya ang pamantayan ng mga Reformers na “Scripture must be interpreted by Scripture” at muli niyang ipinakita na ang mga talatang wari’y may contradiction kapag pinag-aralan sa liwanag ng buong Biblia ay nagtuturo ng particular grace at hindi ng general grace.

 

Dapat ding pansinin ng mga mambabasa ang footnotes ng nagsalin sa wikang ingles sapagkat ang mga kontrobersiyal na pahayag ni Kuyper ay binigyang linaw sa mga footnotes.

 

Mga Pagsusuri at Puna

 

Kapuna-puna na ang mga naniniwalang hangad ng Dios na iligtas ang lahat (generalists) ay naliligaw sa mga salitang “Lahat”, “Sanglibutan” at Sinoman”, na binabanggit sa Biblia. Binibigyan nila ng pakahulugan ang maraming talata (na inaakala nilang nagpapatunay na tama sila) na wala naman sa tama nilang konteksto. Kaya sa aklat na ito ay maingat na sinuri ni Kuyper ang tatlong pangunahing talata sa Biblia na nabibigyan ng maling pakahulugan. Ang mga talatang ito’y ang 1 Juan 2:2, 1 Timoteo 2:4, 2 Peter 3:9. Sa kanyang masusing pag-aaral ay ipinakita niya na ang mga salitang “Lahat”, “Sanglibutan” at “Sinoman” ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao kundi ayon sa konteksto ay tumutukoy sa lahat ng mga hinirang ng Diyos.

 

Sinulat din ni Kuyper ang tungkol sa Profound (Total) Depravity ng tao, unconditional election, limited atonement, irresisitble grace at preservation of God – bagamang hindi ayon sa ganitong pagkakasunud-sunod kundi ikinalat niya sa iba’t ibang bahagi ng 40ng kabanata ng aklat.

 

Bunga ng kanyang pagtatanggol sa limited atonement nagawa ni Kuyper na akayin ang daandaang mangangaral upang yakapin ang Three Forms of Unity, ang Reformation at ang kanyang ‘peryodiko’ na tinangkilik ng maraming mambabasa sa kanyang bansa.

 

Ang pagnanasang maligtas at ang katiyakan ng kaligtasan ay palaging magkaakibat. “Kung hindi”, wika ni Kuyper, “ ay walang paghirang (election).” Ang paliwanag sa doktrina ng hindi maipahayag na biyaya ng Dios ay nag-uugat sa hindi malirip na awa ng Dios at ang lahat ng ito ay alang-alang sa kaluwalhatian ng Dios. Ang kasalanan ni Adan ay nagbunga ng pagkahulog ng buong kalawakan at ng kabuoang sistema ng mga bagay kabilang na ang sanlibutan mula sa kaluwalhatian nito.

 

Ayon kay Kuyper mayroong isa lamang biyaya sa panukala ng Diyos at ito’y ‘partikular’ na biyaya na nakatuon lamang sa ikaliligtas ng mga hinirang. At ang isang biyayang ito ay may dalawang gawa: ang una ay bagamang ito’y ipinapahayag sa lahat ng tao, ito naman ay sa ikapapahamak ng mga hindi hinirang. Ang ikalawang gawa ng biyaya ay ang pagkakaloob ng kakayahan at pananampalataya kaya nga ito’y matatawag ding ikalawang kapanganakan. Kaya nga ayon kay Kuyper ang lahat ng tao ay talagang naapektuhan ni Cristo at ng Kanyang kamatayan, ngunit huwag mo namang sasabihin na “Sa mga tao mayroon talagang napakasama at tatanggihan nila si Cristo, ngunit ang iba naman ay hindi naman gaanong masama kaya tinatanggap nila si Cristo.” Ayon kay Kuyper, ang dapat nating sabihin ay “lahat ay lubos na napakasama at lahat ay tinatanggihan si Cristo, at iyon lamang binuksan ng Dios ang puso ang mga tumanggap kay Cristo sa pamamagitan ng ‘patikular’ na biyaya.”(page 224). Matapos ang kanyang pagtatanggol sa nagtatanging biyaya (o particular grace), inamin ni  Kuyper, “…hindi natin kailan man itinatago ang katotohanan na sa Banal na Kasulatan ang dalawang kaisipang ito ay naipapakita.” “Nananatili ang wari’y kontradiksyon, na hindi natin pinangangahasang solusyonan, sapagkat ang solusyong iyon ay nasa labas ng hangganan ng proseso ng ating pag-iisip sa mas dakilang pagkakatalaga ng kaluluwa sa kamalayan nito sa pakikipagkasundo sa Dios.”

 

Recommendation:

 

Sa pangkalahatan, ang aklat na ito ay matibay na nagtatanggol sa napakahalagang bahagi ng Ebanghelyo na ang biyaya ng Dios sa kaligtasan ay nakalaan lamang sa mga hinirang kaya nga aming inirerekomenda ang partikular na aklat na ito ni Abraham Kuyper na basahin ng mga naghahangad na tumibay sila sa kaalaman ng Ebanghelyo laban sa kabulaanan ng “Arminianism”, “Amyraldianism” at ng iba pang nagtuturo ng iba’t ibang anyo ng “universalism”

 

Back to Top

Return to Issue Listing

HOME